ALBANO, NAG-APRUBA PA NG PETISYON NG MGA POWER COMPANIES BAGO UMALIS

Natapos ang termino ni Rodolfo Albano bilang chairperson ng Energy Regulatory Commission noong ika-10 ng Hulyo ngayong taon. Subalit, bago pala siya umalis ay inihabol pa ang pag-apruba sa petisyon ng mga kumpanya ng kuryente. Mabuti sana kung pabor ito sa mga konsyumer laluna sa mga residential users. Hindi eh.

 

Noong ika-8 ng Hulyo, kasama ang iba pang mga commissioner ng ERC, inaprubahan ni dating ERC chairperson Albano ang petisyon ng organisasyon ng mga pribadong prodyuser ng kuryente – Philippine Independent Power Producers Association (PIPPA) –  at mga pribadong power distribution companies para sa pagkakaroon ng interim open acces sa Luzon at Visayas Grid.  Noon pang Mayo 23, isinumite nitong mga kumpanya ng kuryente ang kanilang petisyon sa ERC.  Kasama sa petitioners ang MERALCO, Visayan Electric Company, Clark Electric Distribution Corp. , Davao Light and Power Co. Inc., CEPALCO, San Fernando Electric Light and Power Co., at Panay Electric Company, Inc.

 

Ang interim open access ay pansamantalang pagpapatupad ng open access habang hindi pa nakukumpleto ang mga rekisitos ayon sa batas para sa pagpapatupad nito. Sa open access ay maaari nang diretsong bumili ng kuryente ng hindi bababa sa 1 megawatt mula sa mga prodyuser ng kuryente o power generation companies. Hindi na nila kailangang bumili ng kuryente sa mga distribution companies tulad ng Meralco. Magbabayad na lang sila para sa paggamit ng mga distribution wires nito upang makarating ang biniling kuryente mula sa mga power generation companies.

 

Sinasabi ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na nagsasaad tungkol sa open access  at retail competition na may mga kailangan munang mga rekisitos na dapat matupad. Ito ay ang mga pagtanggal ng subsidyo sa kuryente (cross-subsidy removal),  paghihimay-himay ng mga bayarin (unbundling of rates), pagkakaroon ng wholesale electricity spot market (WESM), at ang pagsasapribado ng 70% ng kapasidad ng mga planta ng Napocor ganun din ng mga kinontrata nitong independent power producers. Ang 70% na pribatisasyon na lang ang hindi pa natutupad hanggang ngayon.

 

May 40 porsyento na ng kapasidad ng NPC plants ang nasasapribado. Matumal ang pribatisasyong ito. Para mapabilis ito, kailangan daw na bukod sa pagtataas ang halaga ng power generation o paglikha ng kuryente, kailangan din daw diumano na may siguradong bibili sa kuryente ng power generation company na isasapribado sa pamamagitan ng pagkakaroon ng power sales agreement o power supply contract sa ilang mga distribution companies. Ganito ang nangyari sa Masinloc na ilang taong nabinbin ang pagsasapribado. Natuloy lamang ito noong nakaraang taon noong may sigurado na itong mapagbebentahan ng kuryente – ang Meralco.

 

Sa probisyunal na pag-apruba ng interim open access petition ay maaasahan ang pagtaas ng presyo ng kuryente para sa mga residential customers dahil sa kanila babawiin ng mga distribution companies ang mawawalang kita mula sa mga industrial users na may konsumong 1 MW na maaari nang diretsong bumili ng kanilang kuryente sa mga generation companies. Hinihiling din kasi ng petisyon na hindi kasama ang NPC sa mga pwedeng sumali sa open access trading. Ibig sabihin, ang mga kwalipikadong mamimili ng kuryente ay bibili lamang sa mga pribadong power generation companies.

 

Nakakapagtakang kailangang madaliin ni Albano ang pagbigay ng pag-apruba sa petisyong ito samantalang marami pang mga nakabinbing usapin na hindi pa nga nailalatag sa mga pagdinig sa petisyong ito. Sabihin mang ang maging pinal na desisyon sa petisyong ito ay taliwas sa probisyunal na pag-apruba, mahirap umasa sa refund. Matagal ang proseso ng refund. Yung iba ring mga nagbayad ay hindi nakasisigurong makakakuha rin ng refund sa panahong ipatupad ito.

 

Sa oportunidad na nawawala kapalit sa pagbabayad ng mahal na kuryente ay hindi na maibabalik kung magkaroon man ng refund. Sa hirap ng buhay ngayong may krisis sa langis at sa bigas, dagdagan pa ng mahal na presyo ng kuryente, mahalaga ang bawat pisong inilalabas sa bulsa ng mamamayan laluna na ng mga mahihirap.

 

Kung ang mga mayayamang kumpanya ng kuryente ay iniintindi ang kikitain nila, ang mga mahihirap na mamamayan ay pinoproblema ang kanilang kakainin.

 

July 19, 2008

Mag-iwan ng Tugon