Kanya-kanyang state of the nation address (SONA) ang inilunsad ng iba’t ibang sektor ng lipunan nitong mga araw bago pa man magbigay si Presidente Gloria M. Arroyo ng kanyang SONA sa Hulyo 28. Kanya-kanyang pahayag ang mga grupo at iba’t ibang sektor ng tunay na kalagayan ng bansa na nakikita nila sa kani-kanilang sektor. Ito ay pagpapakita rin nila ng kawalan ng tiwala sa anumang sasabihin pa ng nakaupong presidente ng Pilipinas ngayon sa nagawa ng kanyang administrasyon at kung paano nito natugunan ang mga pangangailangan ng mga tao.
Madalas na ring marinig sa sektor ng mga maralita ang kawalan na ng interes sa sasabihin ni GMA. Ang National Urban Poor Coalition (NUPCO), isang malawak na koalisyon ng mga maralitang lungsod sa bansa, ay minabuti pang doon na sa kanilang mga komunidad magsagawa ng SONA bago pa ang Hulyo 28. Wika nila iyon daw ang “SONA ng MARALITA, HINDI SONA ng MASALITA” at gagawin ito “sa community, HINDI sa Commonwealth” na siyang lagi nang pinupuntahan ng mga mamamayan tuwing SONA ng pangulo ng bansa.
Wika nila, hindi naman daw “common” ang wealth o yaman dito sa bansa. Ito raw ay sa iilang nasa kapangyarihan at may pera lamang. Pati lupa ay napupunta sa iilan lamang kaya sila ring mga mahihirap ay walang sariling lupa at napakaaba ng kalagayan ng kanilang tahanan.
Puro salita lang rin daw diumano ang mga nangyaring SONA. Ayaw na nila ng SONA, dapat silang mahihirap naman ang magsalita at pakinggan sa tunay na kalagayan ng bansa.
Palupa, pabahay, disenteng trabaho, serbisyo, at mura at sapat na supply ng bigas ang kailangan ng mga maralita ayon sa NUPCO. Matagal na rin daw nilang hiling ito sa gobyerno pero hanggang ngayon ay walang kasagutan. Ang ipinamamahaging subsidyo para sa bigas at kuryente ay hindi makakasagot sa problema ng mga maralitang pamilya.
Dagdag pa nito, kahit na nga ang mga nagdaang proklamasyon ni GMA para sa palupa, halimbawa sa Parola at Taguig, ay wala ring nangyari. Sa katunayan, na-demolish pa nga ang mga nasa Taguig sa kabila ng proklamasyong iginawad noong 2004 dahil wala palang numero itong proklamasyon kaya hindi rin na-proseso. Pero kahit na iyong mga proklamasyong may numero tulad ng proklamasyon 96 at 571 na nagsasaad ng pagbibigay ng bahagi ng Parola para sa socialized housing ay wala ring ngipin dahil patuloy pa ring nahaharap sa banta ng demolisyon ng kanilang mga tahanan ang mga nandoon sa lugar na iyon. Ito ay dahil hindi pa rin naibibigay talaga sa mga tao ang lupa sa Parola.
Sa ganitong mga sitwasyon, ano pa nga ba ang puwedeng sabihin ni GMA sa kanyang SONA upang mapapaniwala niya ang mga tao na ito ay hindi isa na namang pambobola. Mas mabuti pa siguro, sa halip na pumunta siya sa Kongreso upang magtalumpati doon at magbigay na naman ng mga istatistika tungkol sa pag-unlad ay tuparin niya na muna ang mga nauna niyang pangako, noong nagsimula siya ng 2001. Bigyan niya na ng tunay na mga titulo ng lupa ang mga taga-Parola ganundin ang iba pang mga mahihirap na pinangakuan niya ng palupa.
July 26, 2008
Inihanay sa: HOUSING | Minarkahan: Damayang Lagi, National Urban Poor Coalition, NUPCO, Parola, socialized housing, State of the Nation Address, Taguig, Tonsuya