Marami pang iba’t ibang mga rekomendasyong lumabas sa unang tatlong araw ng Philippine Energy Summit. Ilan rito ay ang nagkakaisang suhestiyon na maisabatas na ang Renewable Energy Bill upang makatugon sa usaping seguridad sa supply ng enerhiya gayundin ang pagtugon sa lumalalang kondisyong global warming o climate change.
Ang isang katanungan na lang rin sa pagpromote ng renewable energy ay ang usaping pampinansya. Ito ang isang malaking concern tulad ng taga-Nueva Vizcaya na may ilang micro-hydropower projects sa kanilang lugar. Ang isang positibong idinulot ng summit ay napag-ugnay ang mga pagkukunan ng enerhiya at pagkukunan ng pinansya para sa proyektong ito.
Ang pinakaabangan pa rin ng karamihan laluna ng mga konsyumer ng langis at kuryente sa nangyaring summit ay ang malinaw at kongkretong hakbang na maaaring sumagot sa mataas na presyo ng kuryente, sa mas maigsing panahon kung maaari. Kaya nga isa sa mga workshops na dinagsa sa summit ay ang workshop tungkol sa pagpapababa sa kuryente. Karaniwang rekomendasyon ng mga ahensya ng gobyerno ang pabilisin ang pribatisasyon ng Napocor pati ang paglipat ng mga kontrata nito sa mga independent power producers (IPPs) sa independent administrator. Nariyan rin ang pabilisin ang pagpapatupad ng open access at retail competition. May isang rekomendasyon mula sa dating Undersecretary ng Department of Energy na tanggalin ang mga taxes sa generation, transmission, at distribution ng kuryente upang mapababa ang singil sa kuryente sa mga konsyumer.
Subalit, ang hindi nailalabas sa report sa summit ay mga rekomendasyong nanggaling sa mga konsyumer, consumer groups, people’s organizations, at iba pang civil society groups na lumahok sa workshop. Isang halimbawa ay ang rekomendasyon ng Freedom from Debt Coalition at alyansang EmPOWER Consumers na kanselahin dapat ang mga madadayang kontrata sa mga IPPs dahil ito ang isang pangunahing dahilan kung bakit patuloy na mataas ang singil sa kuryente sa bansa. Dapat rin daw busisiin ang mga utang ng Napocor at itigil ang pagbabayad sa mga maanomalyang transaksyon o ilehitimong utang ng ahensya nang hindi nahihirapan sa pagbabayad ang mga konsyumer gayundin ang gobyerno.
Sa pinal na araw ng summit noong ika-5 ng Pebrero, si Ginang Gloria Arroyo na ang nagbigay ng resulta ng halos isang linggong pag-uusap. Ang kanyang mga inilahad ay resulta na ng deliberasyon o pagpopopresong naganap sa Asian Development Bank noong Pebrero 1 hanggang Pebrero 3 kung saan piling mga tao na lang ang nandoon. Kung sinu-sino ang mga ito ay hindi na nasabi sa summit.
Nakakalungkot sa ini-report na resulta ng summit na hindi tinanggap ng pamahalaan ang mga lumabas na rekomendasyon sa unang tatlong araw na pagtanggal o kahit man lang pagsuspindi sa value added tax sa langis ganundin sa kuryente.
Malabo ang mga inilahad na hakbang ng gobyerno upang tunay ngang tugunan ang pagpapababa sa presyo ng kuryente. Isang halimbawa na lang ay ang sinabing pagsasampa ng petisyon ng Bureau of Consumer Protection sa Energy Regulatory Commission upang ipagbawal ang hiwalay na item sa electric bill para sa singil ng Meralco sa systems loss nito. Hindi nito sinasagot ang mismong usapin ng systems loss. Maaaring ipasok ito sa ibang item dahil sa may batas namang pinagbabatayan ang paniningil ng systems loss o para sa pilferage. Dapat ay busisiin ang sistema at kung paano ang komputasyon nito o di kaya ay dapat tinanggal na kahit man lang dito ang paniningil ng VAT dahil hindi naman natin nakonsumo ang kuryenteng ito. Sa katunayan, ito ang mga nawala o hindi na-deliver na kuryente.
Isang sinabi pa ay dapat daw ipareho ng Meralco ang singil nito sa distribution ng kuryente sa singil ng VECO sa Cebu o ng Davao Light. Hindi porke mas mababa ang singil ng VECO at Davao Light sa Meralco ay tama na ang singil ng mga ito at dapat ipantay rito ng Meralco ang singil niya.
Ilang mga pinagtibay na rekomendasyon na magaganda pero walang agarang kaginhawahang maibibigay sa mga konsyumer ng langis at kuryente ay ang pagpapabilis sa pagpasa ng Renewable Energy Bill at ang pagtigil na sa paggamit ng incandescent bulb o lamps sa taong 2010 subalit hindi naging malinaw ang subsidyong ibibigay ng gobyerno para sa mga mahihirap na pamilya upang lubusang maipatupad ito.
Isang panghinaharap na plano na sinisimulan na ngayon diumano ng gobyerno ay pagdevelop ng Green Philippines Plan na blueprint daw sa paglalatag ng environment, economic, at energy policies tungo sa sustainable development sa bansa. Subalit, may kaakibat na bigat diumano ang planong ito para mabigyang buhay ito – kasama sa bigat o suliraning kakaharapin ay ang investments o pinansyal na suporta upang maisabuhay ang planong Green Philippines Plan.
Sa ganang akin lamang, dapat nasa sentro palagi ng anumang mga polisiya o plano ng gobyerno ang kung ano ang makakapagbigy ginhawa sa mga mamamayan nito. Dapat ay bahagi rin lagi ang mga tao sa pagpaplano maging sa implementasyon. Higit sa lahat, huwag kalilimutan ang usapin ng transparency upang maiwasan ang korupsyon o mga anomalya na lalo lang magdadala sa bansa sa kahirapan.
February 16, 2008
Inihanay sa: BIOFUEL, Energy Summit, OIL, POWER | Minarkahan: EmPOWER Consumer, FDC, Green Philippines Plan, high power rates, Philippine Energy Summit, Renewable Energy Bill, VAT on oil and electricity