Sinabi kamakailan ni Dr. Ted Mendoza ng UP Los Baños na aabot daw sa P60 kada kilo ang presyo ng bigas pagdating ng Hulyo. Ito diumano ay dahil sa tataas ang halaga ng inaangkat na bigas mula sa Vietnam at Thailand resulta ng pagtaas ng demand dito mula sa Middle East at Africa. Tumaas ang presyo sa Vietnam at Thailand ng 25 porsyento mula sa US$500 kada metriko tonelada noong nakaraang buwan ayon sa Department of Agriculture.
Magkakakrisis nga talaga kapag nangyari ang ganyang pagtaas. Pangunahing pagkain kasi nating mga Pinoy ang kanin.Subalit nakakapagtakang kinakailangan pa nating umangkat, gayong ayon sa Department of Agriculture ay may 16.24 milyon metrikong tonelada ng bigas ang naging produksyon sa bansa noong nakaraang taon at inaasahan ngayong taon ay aabot ito sa 17.3 milyon metriko tonelada. Samantalang ang konsumo ng bansa sa bigas ay umaabot lamang ng 11.9 milyon metriko tonelada kada taon. Kalakhan daw nitong konsumo sa bigas ay mula sa bigas dito sa Pilipinas.
Kung tama ang mga datos ng Department of Agriculture na nagpapakitang mas malaki ang produksyon ng bigas sa bansa kumpara sa kabuuang konsumo dito, bakit kinakailangang umangkat pa tayo sa ibang bansa? Dahil ba mas mura ang bigas galing sa Vietnam at Thailand?
Kamakailan lamang ay inanunsyo ni Pangulong Gloria Arroyo na maglalabas siya ng Executive Order na nagpapahintulot sa pagbibigay ng P5 bilyon bilang subsidyo sa mga magsasaka at upang masiguro ang patuloy na supply ng bigas. Ayon ito sa rekomendasyon o plano ng Department of Agriculture. Bahagi rin ng plano upang solusyunan ang problema sa bigas ay ang pagtatanim ng palay sa karagdagang 600,000 hektarya sa panahon ng tag-ulan sa 10 pinakamahihirap na probinsya sa bansa at 500,000 hektarya sa ibang mga probinsya.
Marami ang duda sa kahihinatnan ng solusyong iniisip ng gobyerno. Isa na rito ang Task Force Food Sovereignty, isang grupo ng mga magsasaka, NGOs, at iba pang civil society organizations. Ayon dito, napakaliit diumano ng P5 bilyong subsidyo kung ikukumpara sa kinakailangang sapat na halaga ng palay sa farmgate na maibigay ng gobyerno sa mga magsasaka. Ayon sa pinakahuling anunsyo, aabot diumano ito sa P17 kada kilo. Baka raw matulad din sa mga naunang karanasan natin sa pagbibigay ng subsidyo na mauwi na mapunta na lang sa bulsa ng ilang opisyal at mga mangangalakal ang subsidyo.
Dagdag pa ng TFFS kahit na ipalagay na ang P5 bilyon ay mapunta sa irigasyon at subsidyo sa mga kinakailangan sa pagtatanim, napakaliit pa rin diumano ng halagang ito kung ikukumpara sa halagang aabutin sa pagpapagawa at pagpapabuti ng mga kasalukuyang irigasyon. Kung bibili ng palay sa mga magsasaka dito sa halagang P17 kada kilo, gagastos ang gobyerno ng P11.9 bilyon upang i-absorb ang hindi bababa sa 10 porsyento ng produksyon sa Abril at Mayo.
Ang P5 bilyon diumano ay hindi talaga sasapat upang masagot ang problema sa bigas. Dagdag pa dito, mukhang hindi naman ang pagbibigay subsidyo sa halaga ng bili ng palay sa mga magsasaka ang prayoridad ng gobyerno. Sa katunayan, ay mag-aangkat pa uli ito ng 2.2 milyong metriko tonelada na nagkakahalaga ng P69 bilyon.
Nakakalungkot isiping bagamat malawak ang mga lupaing agrikultural sa Pilipinas ay kinakapos tayo ng supply ng bigas sa bansa. Marami naman dito ay ibang pananim ang nakatanim o di kaya’y ginawang eco-tourism ang lugar o pinatayuan ng mga subdivision, malls o iba pang pang-industriyal at komershal na mga gusali. Ilan ito sa mga dahilan sa mababang produksyon ng bigas sa bansa. Dapat marahil ay hindi lang subsidyo ang tinitingnang solusyon ng gobyerno. Dapat ring tingnang mabuti ang paggamit sa mga lupain at lapatan ng karampatang aksyon ito.
April 7, 2008
Inihanay sa: RICE | Minarkahan: bigas mula sa Thailand at Vietnam, Department of Agriculture, rice crisis, rice subsidy, TFFS