Humigit-kumulang 16,000 pamilya sa North at East Triangle at mga empleyado ng Veterans Memorial Medical Center at Ninoy Aquino Parks and Wildlife ang matatamaan sa plano ng gobyernong gawing Central Business District ng Quezon City (QC-CBD) ang mga nabanggit na lugar. Alinsunod ang planong ito sa Executive Order 106 na inilabas ni Pangulong Gloria Arroyo noong 2002 na nasundan pa ng Executive Orders 620 at 620-A noong 2007. Sa mga Executive Order rin na ito nakapaloob ang pagbubuo ng Committee na binubuo ng local at nasyunal na ahensya ng pamahalaan na siyang magbubuo at magpapatupad sa planong QC-CBD.
Bagama’t ipinapahayag nitong mga EO na isang community-driven development framework sa tulong ng pag-aaral ng World Bank ang siyang susundin sa pagbubuo ng plano sa QC-CBD, kataka-takang nawawalan ng partisipasyon ang mamamayan sa prosesong ito. Sa unang EO, bahagi pa ng ang mga organisasyon ng mamamayan o mga residente sa North Triangle Development Committee . Pero tinanggal na sila sa Komiteng ito na pinangalanang Urban Triangle Development Commission (Tri-Dev Commission) sa EO 620 na ipinalabas noong 2007.
Mukha ring dalawang malalaking interes ang nandito sa planong QC-CBD na makikita sa pagbabagu-bago ng komposisyon ng Tri-Dev Commission. Sa huling EO, ang kinatawan mula sa tanggapan ng Mayor ng Quezon City ang magiging Chairperson ng nasabing Komisyon at mga kinatawan naman mula sa National Housing Authority at tanggapan ng Upisina ng Pangulo ang mga miyembro. Binago ito ng EO 620-A kung saan ipinasok ang Chair ng Housing and Urban Development Coordinating Council bilang Chairperson ng Tri-Dev Commission at ang kinatawan mula sa tanggapan ng Mayor ng Quezon City ang co-Chair.
Umaabot sa 250 hektaryang lupa ang nasasakop sa planong QC-CBD. Gagawin sa mga nabanggit na lugar ang mixed use development kung saan papalakasin ang komersyo o ekonomikong gawain ng gobyerno, habang may pagsaalang-alang pa rin sa kalikasan ganun din sa mga nakatira o informal settlers sa lugar. Sa ginawang pag-aaral diumano ng World Bank, may tatlong rekomendasyon upang sagutin ang usapin sa paninirahan at posibleng dislokasyon ng mga naninirahang maralita sa mga lugar na mahahagip ng planong QC-CBD. Isa na rito ang mapanatili halos lahat sa lugar sa pamamagitan ng pagtatayo ng medium rise building (MRBs) and magkakaroon ng sharing sa paggamit ng lupa doon. Kailangang gumastos ng P8.4 bilyon para sa halaga ng lupang masasakop sa rekomendasyong ito. Ang isa pang rekomendasyon ay relokasyon sa loob pa rin ng siyudad at pagde-develop rin sa lugar na ito. At ang panghuling rekomendasyon ay relokasyon sa karatig na mga siyudad at bibigyan na lang ng maayos na kompensasyon ang mga taong maaapektuhan nito.
Tinututulan ng mga residente doon ang matanggal o maalis sila sa kanilang kinalalagyan ngayon dahil nandoon na rin ang kanilang kabuhayan at nakabuo na ng komunidad sa mga lugar na ito. Ang relokasyon ay hindi lamang mangangahulugan ng pisikal na dislokasyon sa tirahan. Higit sa lahat ito ay may hatid na emosyonal at sikolohikal na epekto laluna sa mga apektadong kabataan.
Kaya, dahil sa nahaharap sa ebiksyon o demolisyon ang mga residente ng North Triangle – ang lugar lang sana na balak ipasok sa QC-CBD plan sa ilalim ng EO 106 – nagsama-sama ang mga mamamayan doon sa ilalim ng San Roque Community Council-North Triangle Alliance. Isang aktibong people’s organization sa loob ng Kasama Pilipinas. Dumadami, lumalapad na rin ang suporta sa nasabing alyansa dahil sa pakikipagtulungan ng ibang grupong nagsusulong sa simulaing dapat may makataong paninirahan at pamumuhay ang mga maralitang lungsod. Ilan na sa mga ito ang National Urban Poor Coalition at ang Institute for Popular Democracy na tulad ng North Triangle Alliance ay naniniwalang dapat na mixed use ng lupa at on-site development ang gawin hindi lang para sa pagpapabuti ng ekonomiya ng siyudad maging ang pag-aayos sa pamumuhay ng mga mahihirap na nakatira sa lugar.
Magsasagawa ang mga nabanggit na grupo ng isang konsultasyon sa mga lider sa Marso 11 kung saan pag-uusapan muli ang isyu at inaasahan diumanong pagkaisahang muli ang mga posisyon at makapagbuo ng mga hakbang upang isulong ito.
Muli na namang makikita rito ang sama-samang pagkilos ng mga mamamayan hindi lang ng mga naninirahan sa mga lugar na hagip ng planong QC-CBD kundi maging ng iba pang grupong naniniwala at naninindigan upang igiit ang karapatan ng mamamayan. Sa usaping ito, karapatang magkabahay at magkaroon ng maayos na pamumuhay.
March 10, 2008
Inihanay sa: HOUSING | Minarkahan: Institute for Popular Democracy, North Triangle, NUPCO, QC-CBD Project, Quezon City Central Business District
tama, madaming maapektuhan, pero hindi naman sila dapat dun tumira in the first place dahil yun ay government property. pangalawa, kung sa ikabubuti ng ekonomiya natin, ay dapat hindi na pinatagal pa ang proyektong noon pa nila pinlano.