May tatlong buwan nang patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas. Kaya naman ang presyo ng ibang mga produkto na gumagamit ng bigas o di kaya’y substitute ditto ay nagtataasan na rin tulad ng pandesal at iba pang tinapay at posibleng pati instant noodles din.
Ayon sa mga maralita, hindi pa man daw tumataas ang presyo ng bigas ay instant noodles na ang kanilang pangunahing pagkain. Hinahaluan na lang sa pagluto ng noodles ng konting bigas, upang kahit papaano ay may kanin na rin sila. Sa sitwasyon ngayon na P5 hanggang halos P10 ang itinaas sa presyo ng bigas kada kilo, malamang baka wala na ring bigas na maihalo sa noodles ang mga mahihirap na pamilya.
Kung dati mga mahihirap ang kadalasang kumakain ng sardinas, ngayon pati nasa middle class ay napapadalas na rin ang pagkain nito. Ang tinatawag na poorest of the poor o mga pinakamahihirap ay hindi na rin makayang bumili ng sardinas ngayong mga araw.
Ang nakakapagpalala pa sa sitwasyon, tumataas ang presyo ng pagkain, subalit ang kinikita ng mamamayan ay hindi tumataas o nakasasapat sa pagmahal ng pagkain at ng iba pang mga pangunahing pangangailangan
Tama lang na ang ganitong sitwasyon ng kahirapan o krisis ay bigyan ng masusing pansin ng Kongreso. Kamakailan lamang ay nagpahayag si House Speaker Prospero Nograles na bibigyang prayoridad diumano ng Kongreso ang pagpapasa sa panukalang batas na nagpapalawak ang sakop (coverage) ng personal tax exemption na ibinibigay sa mga empleyado sa pribado at pampublikong sektor upang mabawasan ang kahirapang dulot ng tumataas na presyo ng pagkain, pangunahing bilihin at mga serbisyo. Dagdag pa dito, sinabi rin ni Nograles na pag-aaralan nya rin daw ng mabuti ang panukalang batas na nagsusulong ng pansamantalang pagtanggal ng VAT sa noodles at sardinas.
Agarang kaginhawahan sa mamamayan ang ninanais ng Kongreso upang kahit papaano ay mabigyan ng pansamantalang lunas ang kahirapan o krisis sa pagkain. Subalit, kung maipapasa nga sa susunod na linggo ang panukalang batas patungkol sa tax exemption, hindi naman magbebenepisyo dito ang maraming Pilipino. Ito’y dahil marami sa mga naghihirap na Pilipino ay hindi mga regular na manggagawang kinukolektahan ng personal na buwis (income tax). Marami ang nasa impormal na sektor – pagtitinda, pamamasada, construction worker, kargador, at iba pa – ito ang kadalasang trabaho ng mga mahihirap. Maipasa man ang batas sa tax exemption, mananatili pa ring mahirap itong mga nasa impormal na sektor at kapos pa rin ang kanilang kakayahang makabili ng matinong pagkain o magkaroon ng maayos na pamumuhay.
Noodles at sardinas lang din ang pinag-iisipang pansamantalang huwag munang patawan ng VAT. Sa ilan, kung hindi man karamihan ng mga mahihirap, luho na rin daw na maituturing ngayon ang sardinas ayon sa ilang mga lider ng maralitang lungsod. Kaya, tanggalin man ang VAT sa sardinas, wala rin ito masyadong epekto sa mga mahihirap dahil hindi na rin naman sila gaanong bumibili nito.
Bagamat may kaunting kaginhawahang maidudulot ang mga solusyong naiisip ng Kongreso, hindi pa rin nito binibigyang lunas talaga ang sakit na nagreresulta sa krisis sa pagkain at patuloy na kahirapan. Para lang tayong binibigyan ng band-aid para sa malalim na sugat pero nariyan pa rin ang sakit at malalang karamdaman. Kailangan ng ating bayan, bukod sa pansamantalang lunas, ay mabigyan talaga ng pangmatagalan kung hind man permanenteng lunas ang kahirapan/krisis na kinakaharap sa bansa.
April 21, 2008
Inihanay sa: POLITICAL ISSUES, RICE | Minarkahan: krisis sa pagkain, mataas na presyo ng pagkain, poorest of the poor, value added tax, VAT coverage