Kamakailan lamang bumulaga sa publiko ang diumano’y pipirmahang kasunduan ng gobryerno sa grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nag-aalala ang karamihan sa epektong maaaring idulot nitong kasunduan dahil marami ang mga madadagdag na bahagi ng Mindanao sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Matagal nang isinusulong ng mga Moro at ng iba pang mga katutubong siyang mga orihinal na nanirahan sa Mindanao na kilalanin sila ng gobyerno ng Pilipinas at ng lahat bilang “Bangsamoro” na may kapangyarihang magdesisyon para sa kanilang mga sarili. Mahalaga ang pagkilalang ito para sa kanilang determinasyon na rin ng pang-pulitika, ekonomiya, sosyal, at pang-kultural na mga usaping nakaka-apekto sa kanila.
Masalimuot at sensitibong usapin ito na nangangailangan ng maayos na pagpapaliwanag hindi lamang sa mga naninirahan sa Mindanao kundi maging sa lahat ng mga Pilipino upang maintindihan ang mga dahilan sa labanan sa Mindanao at ang iba pang mga usapin dito.
Ang paglilihim sa mga kasunduang kaugnay sa magiging kinabukasan ng taga-Mindanao ay hindi makakatulong sa pag-ayos ng gusot o paglinaw sa mga ganitong sensitibong usapin.
Marami sa Mindanao ay hindi orihinal na nanirahan doon, galing sila sa Visayas at Luzon. Subalit kung mauunawaan siguro nila ang puno’t dulo ng mga usapin tulad ng Tripoli Agreement noong 1976 na nagsusulong ng layuning magkaroon ng sariling identidad at awtonomiya ang ilang mga bahagi ng Mindanao pati na ang karatig isla nitong Palawan at Sulo ay baka matitiwasay rin ang kalooban nilang mapabilang sa ARMM o makagawa sila ng karampatang aksyon o apela batay sa kanilang posisyon sa usaping ito.
Ano nga ba ang tunay na dahilan at inilihim ang ganitong mga usapin? Pagpapalapad nga lang ba ito ng nasasakop ng ARMM o may iba pang nakakabit na mas malaking pulitikal na dahilan kung bakit pumapasok ang gobyerno sa ganitong kasunduan sa MILF?
Dapat ilantad ng gobyerno kung ano ang mga pinirmahang kasunduan sa MILF. Ayon sa mga eksperto sa konstitusyon, wala naman raw dapat ikabahala ang mga tao dahil wala naman daw bisa ang anumang kasunduan kaugnay sa ARMM. Dapat diumanong dumaan baguhin muna ang Konstitusyon ng Pilipinas kaugnay sa mga isinusulong ng kasunduang pinirmahan ng gobyerno sa MILF. Kung ganuon nga, dapat isa-publiko na ang nilalaman ng kasunduan at ipaliwanag ito sa mga tao.
(Sa susunod na isyu: mga mahahalagang bahagi ng GRP-MILF Memorandum of Agreement)
Inihanay sa: POLITICAL ISSUES | Minarkahan: ARMM, Bangsamoro, GRP-MILF Memorandum of Agreement, MILF, Mindanao, peace in Mindanao, Tripoli Agreement