Nasaan ang “care” sa mga mahihirap?

Nagkaroon akong muli ng pagkakataong makabisita sa ilang mga maralitang lungsod sa Metro Manila. Nakita kong kahit sa isang mayamang subdibisyon man, may mga maralita ring andoon, nakatago nga lang sila. Subalit, hindi kailanman man maitatago nang pangmatagalan ng mga pader sa subdibisyon na tumatakip sa pangit na hitsura ng mga tirahan ng maralita ang tunay na kalagayan ng mga nakatira doon. Ganito ang kalagayan sa ilang mga subdibisyon sa Paranaque. Ang kaibahan nga lang, mas maayos ang hitsura ng kanilang komunidad, dahil nasa loob sila ng subdibisyon. Hindi tulad sa mga taga-Parola, lalung-lalo na sa Isla Puting Bato sa Tondo kung saan karamihan ay nakatira na sa ibabaw ng dagat malapit sa “break water” na tinirhan na rin ng mga mahihirap.

 

Saan man sila naroroon, iisa ang kanilang mga karaingan – pagkain at serbisyo. Bigas ang pangunahing gusto nilang mabili. Kahit papaano, ang mga maralitang nasa subdibisyon ay may kakayahang makabili ng bigas ng NFA. Hindi tulad sa karamihan sa Isla Puting Bato na hirap na hirap makabili ng bigas ng NFA. Ang problema, magkaroon man sila ng perang pambili, hirap naman silang makabili dahil hindi sapat ang supply na binebenta sa lugar nila kung meron man doon. Marami rin sa mga maralita ay hindi talaga naaabot ng mga nagbebenta ng NFA rice. 

 

Nadaanan ko rin sa FTI sa Taguig ang haba ng pila ng mga tao para makabili ng bigas. Kung ang mga mahihirap sa Paranaque o sa ibang lugar sa Taguig ay bibili ng bigas, mamamasahe pa sila papuntang FTI para makabili doon kung sakaling maubusan sila ng bigas ng NFA na iniikot sa mga maralitang lugar.  Sa mahal ng pamasahe,  kalahating kilo na lang ang mabibili ng pera nilang sakto lang sanang pambili ng bigas.

 

Mahirap man sila, nangangailangan din sila ng kuryente. Subalit, mas mahal pa ang binabayaran nila sa kuryente kumpara sa may kaya sa buhay.  Sa isang lugar ng maralita uli sa Paranaque, may halos 500 pamilya doon ang nagbabayad ng P21 kada kilowatthour para sa kuryente. Doble ito ng dapat bayaran talaga sa Meralco kada kilowatthour. Bukod sa sobrang taas na ang binabayaran nila sa kuryente, hindi rin sila nakakatanggap ng P500 subsidyo para sa kuryente gayung nasa lifeline rate sila o mga kumukunsumo ng 100 kilowatthour kada buwan. 

 

Paanong nangyari ito? Nag-apply sa Meralco ang mga asosasyon ng residente sa lugar na ito upang makabitan na sila ng kuryente sa kanilang lugar. Ang kuryente kasing ginagamit nila ngayon ay binibili nila sa ibang mga may direktang koneksyon ng kuryente mula sa Meralco. P800 hanggang P1000 kada buwan ang average na binabayaran ng mga pamilya doon para sa kunsumo nila sa kuryente na hindi pa aabot marahil sa 100 kilowatthours.

 

Marami ang mga naghihirap na Pilipino. At ang state of the nation (SONA) ng Pangulo ay para diumano sa kanila. Ang mga nakaraan, kasalukuyan, at gagawin pang mga programa ay para sa mga mahihirap. Subalit, sa mga nangyayari, tila kulang sa “care” o pagpapahalaga ang gobyerno sa kanila. Sana masuring mabuti ang mga polisiya na nakakasakit laluna sa mga mahihirap. At maipatupad ng tama at maayos ang mga programang makakabenepisyo sa kanila. 

Mag-iwan ng Tugon