Trabaho, serbisyo, pagkain, at tanggalin ang VAT sa langis at kuryente!

Napakahaba ng listahan ng mga isinisigaw ng taumbayan. Kaliwa’t kanan ang protesta, kaliwa’t kanan din ang kanilang “state of the nation address“ (SONA). Lahat ay nagsasabi ng malalang kahirapan. Lahat ay humihingi ng kagyat na kaginhawahan o immediate relief.

 

Isa na namang pagkilos ng mga maralita ang naganap noong gabi ng Hulyo 26 sa Camarin, Caloocan City.  Kaunti lamang ang mga taong naroroon noong nagsimula ang protesta ng 6 ng gabi. Marami roon ay mga drayber ng tricycle. Maya-maya pa ay nagdatingan na ang iba pang mga grupo.

 

“Tanggalin ang 12% VAT sa langis” ang pangunahing sigaw ng mga nagpoprotestang galing sa National Urban Poor Coalition, Lumaban Ka, Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Transportasyon, Alab Katipunan, at Akbayan. Kapansin-pansin ang pakikiisa ng mga motorista sa noise barrage na isinagawa doon, tila gustong basagin ng tunog ng mga busina ang tenga ng nasa Malakanyang na ayaw makinig sa hiling ng taumbayan.

 

Hindi lang diumano mga drayber ang apektado, kundi lahat. Hindi na sasapat ang kinikita nilang P100 kada araw sa pagtitinda at pamamasada dahil sa taas ng presyo ng gasolina, pamasahe, kuryente, at presyo ng ibang mga bilihin laluna ng bigas. Kahit na nga raw may natitirikan na sila ng kanilang tirahan at hindi tulad ng ibang mga maralitang lungsod na laging nahaharap sa demolisyon, mahirap pa rin ang kanilang kalagayan dahil wala silang sapat na pinagkakakitaan at maayos na serbisyo upang magkaroon ng isang makataon pamumuhay.

 

Matinding kahirapan ang sigaw ng mga maralita. Hindi na raw sila naniniwala sa SONA dahil puro salita lang ito at walang konkretong naidulot na kaginhawahan ang mga pangako ng pangulo sa kanyang SONA.

 

Tuloy-tuloy ang mga protesta. Maging ang mga taga-Tonsuya, Malabon ay may protesta rin sa gabi bago ng SONA ni GMA. Pinakita rin nila ang abang kalagayan nila laluna sa palupa at pabahay. Nahaharap sila lagi sa banta ng demolisyon. Subalit, dahil sa tindi ng krisis ngayon, hindi lang ito ang kanilang pangunahing problema. Higit sa lahat, ang kumakalam nilang sikmura ang kanilang iniintindi.

 

Ayon nga sa huling survey ng Social Weather Station, lalong tumaas ang bilang ng mga nagugutom na Pilipino ngayon. Bukod sa tirahan, matinding kagutuman din ang daing ng mga taga Parola, Damayang Lagi, at iba pang mga mahihirap na lugar. Ito’y dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas at kahit na ang NFA rice na pinipilit nilang kayaning mabili ay hindi rin sapat ang supply para sa lahat ng mga naghihirap na Pinoy laluna dito sa Metro Manila kung saan noong 2006, ayon sa datos mismo ng gobyerno, ay halos 700,000 pamilya na ang iskwater.

 

Sa kabila ng mahal na pamasahe at pagkawala ng kikitain sa araw ng Hulyo 28, asahang dadagsa pa rin ang mga tao sa kalsada upang isigaw ang kanilang tunay na kalagayan ganundin ang kanilang mga kahilingan. Asahan din ang lalong pagdami ng mga kilos protesta sa mga komunidad dahil sa hindi na rin matiis ng mga tao ang manahimik na lang sa kanilang mga tahanan sa kabila ng pagkalam ng kanilang mga sikmura. Survival na ang pinag-uusapan dito. Wag na sana itong paabutin pa sa riot ng mga mamamayan.

 

 

 

.

Mag-iwan ng Tugon