* Ang mga lugar na nasasakop sa Category B ay ayon sa napagkasunduan ng gobyerno at ng MILF. Ang category B o “special intervention areas” ay patungkol sa mga lugar na apektado ng kaguluhan (conflict) sa labas ng BJE at magiging paksa ng special socio-economic and cultural affirmative action na isasagawa ng gobyerno sa panahong magkaroon na ng plebisito nang hindi mas maaga sa 25 taon mula sa pagpirma sa comprehensive compact para tukuyin ang isyu sa kanilang pagkakapaloob sa BJE. Ang mga nasa listahan ng Category B na 1,459 barangay/munisipalidad sa Cotabato (North Cotabato), Lanao del Norte, Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani, Davao del Sur, Davao Oriental, Compostela Valley, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur, at Palawan ay isasalang pa sa mga susunod na negosasyon ng gobyerno at MILF.
* Ang territorial waters naman ng BJE ay aabot ng lampas sa BJE internal waters hanggang sa baselines ng Republika na Pilipinas sa timog-silangan at timog-kanluran ng mainland Mindanao. Lampas sa 15-kilometrong internal water ng BJE, ang gobyerno ng RP at ang BJE ay mayroong pinagsamang kapangyarihan, awtoridad at pamamahala sa mga lugar at sa mga may buhay man o wala na mga likas yamang naroroon. Ang detalye sa pamamahala ng territorial waters ay lalamnin sa gagawing kasunduan ng gobyerno at MILF.
* Ang hangganan ng territorial waters ay lampas ng 15-km internal waters ng BJE hanggang sa baseline ng gobyerno ng RP sa ilalim ng kasalukuyang mga batas. Ang timog at silangang bahagi ng BJE, ay may “demarcation line” na nagmumula sa Maguling Point, Palimbang, probinsya ng Sultan Kudarat hanggang sa straight baselines ng Pilipinas. Sa hilagang-kanlurang bahagi naman ang guhit ay nagmumula sa Little Sta. Cruz Island sa Zamboanga City hanggang sa Naris Point, Bataraza sa Palawan, at sa Kanlurang bahagi ay mula sa boundary ng Bataraza at Rizal hanggang sa straight baselines ng Pilipinas. Ang pinal na demarcation line ay tutukuyin ng bubuuing joint technical body na binubuo ng mga itinalagang kinatawan ng parehong partido, sa pakikipagkoordinasyon sa mga angkop na ahensya ng sentral na gobyerno ayon sa mga guidelines na nauna nang naisaad.
Ang demarcation at status ng BJE territorial waters ay pinal na matutukoy kasabay ng pagtukoy sa demarcation at pinal na status ng Category B ng BJE.
* Lahat ng maaaring panggalingan ng enerhiya, petrolyo, hydrocarbon, natural gas at iba pang mineral pati na ang “deposits” o “fields” na matatagpuan sa territorial waters ng BJE ay paghahatian ng gobyerno ng RP at ng BJE, na pabor sa huli, sa pamamagitan ng production sharing agreement o economic cooperative agreement. Tulad ng nakasaad sa paragraph 5 at 6 sa Seksyon sa “Resources” ng MOA, ang hatian ng kukuhanin o kikitain ay 75% sa BJE (o Bangsamoro government) at 25% sa Central Government (gobyerno ng RP).
* Ang parehong partido ay maaari lamang magsagawa ng mga natukoy na awtorisadong aktibidad sa territorial waters ayon sa MOA. Ang mga awtorisadong gawain o aktibidad na may kinalaman sa eksplorasyon at paggamit ng walang buhay (non-living) na mga likas yaman, pagsagawa ng mga siyentipikong pananaliksik sa karagatan, at proteksyon at preserbasyon ng marine environment ay isasagawa ayon sa pinagsamang batayang napagkasunduan ng dalawang partido. Ito ay maaaring sa porma ng production sharing agreement o joint development pact.
* Ang itatatag na Joint Commission na bubuuin ng tig-isang kinatawan mula sa bawat partido at tutulungan ng mga adviser kung kinakailangan ang siyang tutukoy sa iba’t ibang paraan ng pagpapatupad at pagsasagawa sa mga Awtorisadong Gawain pati na ang mga napagkaisahang aksyon kapag nagkaroon ng hindi pagtupad sa kasunduan. Isasagawa rin ng Komisyong ito ang iba pang mga gawain na maaaring ibigay rito ng mga partido kaugnay sa pagpapatupad ng pinag-isang pamamahala ng mga likas yaman.
2. Mula sa at makalipas ang pagpapalawak ng compact rights sa Bangsamoro homeland at sa kapangyarihan sa teritoryo para sa samasamang paggugubyerno ay sasakupin din ang ibang lugar na nasa ilalim sa proklamasyon para sa agrikultural at tirahan para sa Bangsamoro people, lahat ng mga maaaring ipagbiling lupa o ilipat ang pagmamay-ari nito sa iba, mga lupang pagmamay-ari ng lahat, timberlands kasama ang mga kasalukuyang civil and military reservations, parks, at iba’t ibang anyo ng lupa at tubig, kasama ang kakahuyang makikita sa loob ng BJE.
3. Ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay ng mga tao at respeto sa isa’t isa, maging ang prinsipyo sa protekson ng mga karapatan nilang sibil, pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkultural ay paiiralin sa maaaring buuing political subdivision ng Bangsamoro territorial jurisdictions.
4. Para alamin ang mga limitasyon o boundary sa teritoryo, ang parehong partido ay nagkakaisa sa magkasamang pagtukoy ng geographic area na nakapaloob sa territorial border ng Bangsamoro homeland at teritoryo batay sa technical maps at mga datos na isinumite ng magkabilang panig.
Inihanay sa: POLITICAL ISSUES | Minarkahan: Bangsamoro Ancestral Domain, Bangsamoro Juridical Entity, BJE, GRP-MILF Memorandum of Agreement, GRP-MILF MOA on AD